Friday, April 20, 2007

Pathways is Love

Friday, April 20, 2007
Kauuwi ko pa lamang galing sa Pathways Anniversary Dinner ('di lamang dinner yun ha, may program din sila). Ang saya ko. nakita ko ang mga naging studyante ko, at grabe, ang galing.

Para lamang malaman ninyo, isang batch ko lamang naranasan makapagturo sa ANI. Incoming sophomore ako noon, sa 3A ng ANI '05 (3 ANI at 4 ANI pa lamang ang sections noon). Dahil isang section lamang talaga ang naturuan ko sa tatlong taon ko sa ANI, sobrang espesyal ng mga batang iyon sa akin. Masasabi ko na ako pa nga ata ang mas maraming natutuhan galing sa kanila. Dahil sa kanila, nagkaroon ako ng paniniwala sa sarili ko na kaya ko. Noong mga unang araw, natatakot ako na baka hindi ko magawa ng mabuti ang pagtuturo. Natakot ako lalo na't CL ang hawak ko--formation ito. Puso nila mismo ang hawak ko. Natakot ako na baka magkamali ako. Pero nakaraos ang isang summer, at sa panahon na magkakasama kami ng mga studyante ko, nakita ko ang kanilang paglago. Mula sa pagiging mga mahihiyain, mayroon nang nakapagrerecite sa class. Mula sa pagiging maiingay at ayaw makinig, naging mas considerable na sila at mas nakikisama na. Sa loob lamang ng ilang linggo na pagsasama namin, malaki ang pinagbago nila--at pati na rin ako. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na ipinakilala ako ng estudyante ko sa nanay niya "Ma, si ate Jaymee, teacher ko"--teacher raw. Noon lamang ako natawag na ganoon, at ibang-iba pala ang pakiramdam.

Ngayong gabi, nakita ko silang muli. Ang estudyante kong hindi nagsasalita noong simula ng term, aba may solo sa play nila kanina. Ang isa sa pinakamagaling sa klase, sa Ateneo mag-aaral next year. Nakatataba ng puso makita sila kung nasaan na sila ngayon. Ang tanging hiling ko lamang ay sana magpatuloy silang gumawa ng mabuti, at sana ipakita at ipadama rin nila ang pagmamahal na nakuha nila (mula sa ANI at mula sa Pathways) sa iba pang kapwa nila. Hindi ba't napakaganda noon? :)


ANI at Pathways--Salamat. :)

0 comments: