(galing sa module ng NSTP Community Integration Tips, OSCI)Hindi gawaing biro ang “gawaing tao” o gawaing pagtratrabaho kasama ang tao. Hindi kasing dali ng “pagpaparoon at pagparito.”
Napakalaking halaga ang hinihingi nito sa isang tao na ang buong kalooban ay nakatuon sa kapwa at sa pagpapahalaga at pagtatanggol ng kanyang pagkatao. Tinutukoy ang salitang “tao” (ang buong pagkatao) bilang indibidual at bilang bahagi ng isang komunidad ng mgatao, na ang bawat kasapi ay buo ang pagkatao: may dangal, pagpapasya at kalayaan. Layunin ng pagtungo natin sa tao ang gawaing komunidad na makatao at Kristiyano, ito ang mga taong bumubuo nito. Isang Kristiyanong komunidad, isang Bayan, isang Diyos.
Dahil tayo’y mga estudyante, limitado an gating panahon. Anong magagawa natin upang pagkasyahin at hindi sayangin?
PUMUNTA KA SA TAO
Napakahalagang dalisay ang hangarin mo sa iyong pagpunta. Hindi ka pumunta dahil gusto molang, walang mangyayari sa iyo.
Kung iniisip mong kailangan ka nila, nagkakamali ka. Hindi ka isang Mesiyas o isang tagapagligtas. Ano ka? TAO, katulad ng pupuntahan mong tao.
MAKINIG KA
Huwag kang masyadong mausisa. Ingatan mo ang iyong pananalita. Higit na mabuti kung huwag ka munang magsalita.
Pakinggan mo ang kanilang sinasabi at ang kanilang hindi sinasabi kailanman.
TUMINGIN KA
Ang kahulugan ng salitang tingin ay di lamang pagtingin ng mga mata kundi ng buong pagkatao.
Ang katotohana’y hubad ang iyong harap! Nasa gitna ka ng hiwaga. Huwag kang tumulala!
Damhin mo ang kanilang nadarama. Tumitibok pa ba ang puso nila?
PUMASOK KA SA KARANASAN
Huwag mong hatulan ang iyong nakikita at naririnig. Huwag kang padala sa maling katwiran.
Pumasok ka sa kanilang buhay at karanasan, sa kanilang kalooban.
KILATISIN MO ANG MGA BAGAY
Tingnan mo ang lahat sa pamamagitan ng mata ng Maykapal.
MANALANGIN KA
Huwag umasa sa sariling lakas. Higit mo Siyang kailangan, di tulad ng iyong akala.
Sa kabuuan…
Maging magalang at mapagpakumbaba.
Makakatulong ang paggamit ng po, opo at ho.
Laging magpasalamat sa mga kabutihang ipinapakita sa atin.
Makinig ng mabuti sa sinasabi at gusting sabihin ng kausap.
Huwag ipilit ang sariling paningin o makipagtalo.
Maging interesado tayo.
Huwag mangako ng anumang tulong kung hindi kayang tuparin, kahit na simpleng babalik sa komunidad o institusyon pagkatapos ng NSTP.